Abot kamay

Change

Ilang araw nalang, botohan na. Pero matagal na tayong nagbabatuhan. Para lang maiangat natin ang ating mga kandidato.

Mas lalo lang lumala ang batuhan ng putik nang sumikat ang social media, lalo na ang Facebook.

Post ng kung anu-anong meme na hindi naman alam kung saan nanggaling at kung sino ang may akda. Basta papuri sa sariling manok o kasiraan sa kalaban, ipopost na. Kesehodang walang katotohanan o mapanirang personal na.

Hindi nyo ba napansin na sa tuwing eleksyon lumalabas ang baho hindi lamang ng mga pulitiko kundi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan na maliliit ang buwis?

Sa ganitong panahon madali tayong maniwala sa haka-haka at mabilis pa nating naipapakalat ang mga ito.

Handa ka ba talagang ibaba ang pagkatao mo para lang maipanalo ang kandidato mo?

Handa ka ba talagang ipaglaban at makipag away para sa kandidato mo?

Hanga ka talaga sa kandidato mo eh, no?

Ano kaya ang iniisip nya para sayo?

Kung nagiisa ka nalang bobo-to para sa kanya, bibigyan ka pa rin kaya nya ng pagpapahalaga?

Hahanga ka pa rin kaya sa kanya pagkalipas ng anim na taon?

Pagbabago ba ika ang gusto mo?

Meron ka na bang ginawang hakbang patungo sa pagbabagong hinahanap mo?

Marunong ka bang pumila?

Marunong ka bang magparaya?

Tumbatawid ka ba sa tamang tawiran?

Sa basurahan mo ba tinatapon ang mga balat ng candy mo?

Kung hindi mo kayang gawin ang mga maliliit na bagay na ito, bakit ka umaasa ng pagbabago?

Kung ituturo mo ang mga kamalian ng mga kababayan mo para pagtakpan o bigyang hustisya ang mga kamalian mo, wala kang pinag iba sa mga ahensya ng ating pamahalaan na laging nagtuturuan sa oras ng kapalpakan. Kaya walang pagbabago.

Ang pagbabagong hinihintay mo ay nasa harapan mo lang. Abot kamay mo.

Kelan darating o magaganap ang pagbabagong inaasahan mo? Ngayon. Hindi bukas. Hindi pagkatapos ng eleksyon.

Sino ang magsisimula ng pagbabagong hinahanap mo? Ikaw mismo.

Ikaw mismo ang mag aahon sayo sa kahirapan.

Ikaw lamang ang makapag mamalaki sa sarili mo na ikaw ay Pilipino. Hindi mo kailangan si Manny Pacquiao o ang bayaning Presidente mo.

Matagal nang mabaho ang pulitikang Pilipino.

Panahon pa ng mga Kastila ay bulok na ang pulitika natin. Panahon pa nila Aguinaldo, Bonifacio at Heneral Luna (magaganda yung mga pelikula nila. Panoorin mo).

Walang sinumang pulitiko ang makapag hahatid sa atin ng pagbabago kundi tayo mismo.

Ang pagbabago ay hindi hinihintay. Ito ay ginagawa.

Bonifacio Day: Ano Ngayon?

Andres Bonifacio

Ano ngayon? Ngayon, November 30, ay kapanganakan ng isa sa mga sikat na bayani ng Pilipinas, si Andres Bonifacio. Maliban sa pagiging isa sa mga personalidad na naging kasangkapan sa paglaya ng Pilipinas mula sa pagkakasakop ng Espanya, nabalot din ng kontrobersya ang kanyang pagkamatay. Ito ay sa kadahilanan na ang pagkamatay nya ay gawa ng kapwa Pilipino.

Sino satin ang mag-aakala ngayon na ang isang personalidad na malaki ang naging bahagi sa kalayaan ng bansa ay papatayin ng kababayan na nakinabang sa kalayaan? Pero di na bago, di ba?

Kanina lang ay napanood ko ang documentary tungkol sa buhay ni Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo. Si Aguinaldo, ang unang presidente ng Pilipinas, ang humatol ng kamatayan ni Andres Bonifacio. Dito ko narinig ang himutok ng kanyang apo na nagsabing: “kung sino pa ang nagpasimuno ng himagsikan ay pinatay pa ng mga kapwa Pilipino.”

Nabigla ako noong una kong mapanood at nalaman na si Emilio Aguinaldo ang nagpapatay kay Andres Bonifacio, maraming taon na ang nakararaan. Ito ay salungat sa itinuro sa amin sa Elementary na napatay siya ng mga Espanyol habang nasa digmaan. Hindi ko akalain na ganun na pala kadumi ang pulitika sa bansa noong araw. At nalaman ko rin na ang mga tinitingala nating mga bayani ay mga tao rin palang katulad natin, at nasisilaw sa kapangyarihan.

Bonifacio Day. Ano ngayon? Para sa akin, ang araw na ito ay sumasagisag ng 2 bagay: kagitingan at kabulukan ng pulitika ng bansa; katapangan at pagiging makasarili ng mga Pilipino.

Noon pa man ay meron nang sumisigaw ng nadaya sa halalan. At noon pa man ay meron nang pinapatay dahil sa pulitika. Sa ganitong sitwasyon at kaalaman, nabawasan ang pag-asa kong makasaksi ng pagbabago sa bansa at sistema. Likas na pala ang ganitong sistema sa mga Pilipino, ang magpatayan para sa kapangyarihan at para sa sariling kapakanan.

Kung sasagot ako sa tanong na ‘naniniwala ka pa bang magkakaroon ng pagbabago sa bansa kabilang ang kaunlaran’, ang isasagot ko ay ‘matatagalan pa. Yun ay kung magkakaron pa ng pagbabago.’ Naniniwala ako sa kakayanan at talento ng mga Pilipino. Kung sa talento at kakayanan, taas noo akong magiging Pilipino. Ang hindi maganda sa atin ay ang pag-uugali. At aanhin mo ang talento at kakayanan, kung matatakpan naman ng bulok na asal?

Makakabangon pa ba tayo? Mahirap. Dahil ayaw natin ng pagbabago. Ayaw natin ng kalinisan. Ayaw natin ng kaayusan. Galit tayo sa mga taong nag-aayos at naglilinis ng sistema. Ang gusto natin ay sikat at namimigay ng pera. Nananatili tayong mangmang na gustong-gusto naman ng mga namumuno sa atin. Hindi lang sa mga pinuno ang problema. Bahagi tayo, mga ordinaryong mamamayan, ng bulok na sistema.

Sinong dapat mauna? Abangan ang susunod na kabanata…

Ano ngayon? Bonifacio Day. Anong ibig-sabihin nito sayo?