Ano ngayon? Ngayon, November 30, ay kapanganakan ng isa sa mga sikat na bayani ng Pilipinas, si Andres Bonifacio. Maliban sa pagiging isa sa mga personalidad na naging kasangkapan sa paglaya ng Pilipinas mula sa pagkakasakop ng Espanya, nabalot din ng kontrobersya ang kanyang pagkamatay. Ito ay sa kadahilanan na ang pagkamatay nya ay gawa ng kapwa Pilipino.
Sino satin ang mag-aakala ngayon na ang isang personalidad na malaki ang naging bahagi sa kalayaan ng bansa ay papatayin ng kababayan na nakinabang sa kalayaan? Pero di na bago, di ba?
Kanina lang ay napanood ko ang documentary tungkol sa buhay ni Andres Bonifacio at Emilio Aguinaldo. Si Aguinaldo, ang unang presidente ng Pilipinas, ang humatol ng kamatayan ni Andres Bonifacio. Dito ko narinig ang himutok ng kanyang apo na nagsabing: “kung sino pa ang nagpasimuno ng himagsikan ay pinatay pa ng mga kapwa Pilipino.”
Nabigla ako noong una kong mapanood at nalaman na si Emilio Aguinaldo ang nagpapatay kay Andres Bonifacio, maraming taon na ang nakararaan. Ito ay salungat sa itinuro sa amin sa Elementary na napatay siya ng mga Espanyol habang nasa digmaan. Hindi ko akalain na ganun na pala kadumi ang pulitika sa bansa noong araw. At nalaman ko rin na ang mga tinitingala nating mga bayani ay mga tao rin palang katulad natin, at nasisilaw sa kapangyarihan.
Bonifacio Day. Ano ngayon? Para sa akin, ang araw na ito ay sumasagisag ng 2 bagay: kagitingan at kabulukan ng pulitika ng bansa; katapangan at pagiging makasarili ng mga Pilipino.
Noon pa man ay meron nang sumisigaw ng nadaya sa halalan. At noon pa man ay meron nang pinapatay dahil sa pulitika. Sa ganitong sitwasyon at kaalaman, nabawasan ang pag-asa kong makasaksi ng pagbabago sa bansa at sistema. Likas na pala ang ganitong sistema sa mga Pilipino, ang magpatayan para sa kapangyarihan at para sa sariling kapakanan.
Kung sasagot ako sa tanong na ‘naniniwala ka pa bang magkakaroon ng pagbabago sa bansa kabilang ang kaunlaran’, ang isasagot ko ay ‘matatagalan pa. Yun ay kung magkakaron pa ng pagbabago.’ Naniniwala ako sa kakayanan at talento ng mga Pilipino. Kung sa talento at kakayanan, taas noo akong magiging Pilipino. Ang hindi maganda sa atin ay ang pag-uugali. At aanhin mo ang talento at kakayanan, kung matatakpan naman ng bulok na asal?
Makakabangon pa ba tayo? Mahirap. Dahil ayaw natin ng pagbabago. Ayaw natin ng kalinisan. Ayaw natin ng kaayusan. Galit tayo sa mga taong nag-aayos at naglilinis ng sistema. Ang gusto natin ay sikat at namimigay ng pera. Nananatili tayong mangmang na gustong-gusto naman ng mga namumuno sa atin. Hindi lang sa mga pinuno ang problema. Bahagi tayo, mga ordinaryong mamamayan, ng bulok na sistema.
Sinong dapat mauna? Abangan ang susunod na kabanata…
Ano ngayon? Bonifacio Day. Anong ibig-sabihin nito sayo?