Ilang araw nalang, botohan na. Pero matagal na tayong nagbabatuhan. Para lang maiangat natin ang ating mga kandidato.
Mas lalo lang lumala ang batuhan ng putik nang sumikat ang social media, lalo na ang Facebook.
Post ng kung anu-anong meme na hindi naman alam kung saan nanggaling at kung sino ang may akda. Basta papuri sa sariling manok o kasiraan sa kalaban, ipopost na. Kesehodang walang katotohanan o mapanirang personal na.
Hindi nyo ba napansin na sa tuwing eleksyon lumalabas ang baho hindi lamang ng mga pulitiko kundi pati na rin ang mga ordinaryong mamamayan na maliliit ang buwis?
Sa ganitong panahon madali tayong maniwala sa haka-haka at mabilis pa nating naipapakalat ang mga ito.
Handa ka ba talagang ibaba ang pagkatao mo para lang maipanalo ang kandidato mo?
Handa ka ba talagang ipaglaban at makipag away para sa kandidato mo?
Hanga ka talaga sa kandidato mo eh, no?
Ano kaya ang iniisip nya para sayo?
Kung nagiisa ka nalang bobo-to para sa kanya, bibigyan ka pa rin kaya nya ng pagpapahalaga?
Hahanga ka pa rin kaya sa kanya pagkalipas ng anim na taon?
Pagbabago ba ika ang gusto mo?
Meron ka na bang ginawang hakbang patungo sa pagbabagong hinahanap mo?
Marunong ka bang pumila?
Marunong ka bang magparaya?
Tumbatawid ka ba sa tamang tawiran?
Sa basurahan mo ba tinatapon ang mga balat ng candy mo?
Kung hindi mo kayang gawin ang mga maliliit na bagay na ito, bakit ka umaasa ng pagbabago?
Kung ituturo mo ang mga kamalian ng mga kababayan mo para pagtakpan o bigyang hustisya ang mga kamalian mo, wala kang pinag iba sa mga ahensya ng ating pamahalaan na laging nagtuturuan sa oras ng kapalpakan. Kaya walang pagbabago.
Ang pagbabagong hinihintay mo ay nasa harapan mo lang. Abot kamay mo.
Kelan darating o magaganap ang pagbabagong inaasahan mo? Ngayon. Hindi bukas. Hindi pagkatapos ng eleksyon.
Sino ang magsisimula ng pagbabagong hinahanap mo? Ikaw mismo.
Ikaw mismo ang mag aahon sayo sa kahirapan.
Ikaw lamang ang makapag mamalaki sa sarili mo na ikaw ay Pilipino. Hindi mo kailangan si Manny Pacquiao o ang bayaning Presidente mo.
Matagal nang mabaho ang pulitikang Pilipino.
Panahon pa ng mga Kastila ay bulok na ang pulitika natin. Panahon pa nila Aguinaldo, Bonifacio at Heneral Luna (magaganda yung mga pelikula nila. Panoorin mo).
Walang sinumang pulitiko ang makapag hahatid sa atin ng pagbabago kundi tayo mismo.
Ang pagbabago ay hindi hinihintay. Ito ay ginagawa.